Walang Panginoon
ni
Deogracias A. Rosario
Nang Makita ni Marcos sa kanilang lumang
orasan na ang mahabang hintuturo ay malapit nang sumapit sa ika-12 samantalang
nakapako na sa ika-8 ang maikling daliri, hindi niya malaman kung saan siya
magtutungo. Isiniksik niya ang kanyang ulo kahit saan. Saka ang dalawa niyang
hintuturo ay ipinapasok sa mga butas ng kanyang tainga.
Ayaw niyang marinig ang animas. Ayaw
niyang mapakinggan ang malungkot na palo ng bakal sa malaking kampanang tanso
sa kampanaryo ng simbahan sa kanilang bayan. Gayon man, kahit saan siya
magsiksik, kahit saan siya magtago, kahit na anong gawin niyang pagpapasok sa
kanyang tainga ay lalong nanunuot sa kanyang pandinig ang malungkot na tinig ng
batingaw.
“Tapos na ba?” Tapos… ang sunod-sunod
naming itinutugon ng kanyang ina na paniwalang-paniwala hindi nga niya
naririnig ang malungkot na animas.
“Ngunit, Marcos…” ang baling uli ng
matandang babae sa anak. “Bakit ayaw mong marinig ang oras na ukol sa kaluluwa?
Iyay nagpapagunita sa mga tao na dapat mag-ukol ng dalangin sa ikaluluwalhati
ng mga kaluluwang nasa kabilang buhay. Una-una’y ang iyong ama, ikalaway ang
kapatid mong panganay, ikatloy ang kapatid mong bunso, saka… saka si Anita.”
Ang huling pangalan ay binigkas na marahan at madalang ng matandang babae.
Si Marcos ay hindi kumibo. Samantalang
pinapangaralan siya ng kanyang ina, ang mga mata niyang galling sa pagkapikit
kayat nanlabo pa’t walang ilaw ay dahan-dahang sinisiputan ng ningas, saka
manlilisik at mag-aapoy.
Hindi rin siya sumasagot. Hindi rin siya
nagsasalita. Subalit sa kanyang sarili, sa kanyang dibdib, sa kanyang kaluluwa
ay may pangungusap, may nagsasalita.
“Dahil din sa kanila, lalong-lalo na kay
Anita, ayaw kong marining ang malungkot na tunog ng batingaw,” ang sinasabi ni
Marcos sa sarili. Kinagat niya ang kanyang labi hanggang sa dumugo upang huwag
ipahalata sa ina ang pagkuyom ng kanyang damdamin.
Akala ng ina’y nahuhulaan niya kung ano
ang nasa loob ni Marcos. Sa wari ng matanda ay nababasa niya sa mga mata ng
anak ang lihim ng puso nito. Naiisip niyang kaya nalulungkot si Marcos ay
sapagka’t hindi pa natatagalang namatay si Anita. Ang magandang anak ni Don
Teong, mayamang may-ari ng lupa nilang binubuwisan.
Nalalaman ng ina ni Marcos na lahat ng
pagsisikap nito sa bukid, lahat ng pag-iimpok na ginagawa upang maging isang ulirang
anakpawis ay ukol kay Anita. At siya’y namatay! Naramdaman din ng ina ni Marcos
kung gaano kakirot ngang maging malungkutin ang kanyang anak. Ito ay kanyang
ibig libangin. Ito ay nais niyang aliwin. Kung maaari sana’y mabunutan niya ng
tinik na subyang sa dibdib ang kanyang anak.
“Lumakad ka na Marcos, sa kubo nina
Bastian. Tila may belasyon sila, o, baka kailanganin ang mabuting mang-aawit at
manunugtog ng gitara,” ang sabi ng ina. “Walang pagsalang masasayahan ka roon.”
“Si inang naman, ” ang naibubulalas na
lamang ni Marcos. Iyan lamang ang kanyang nasasabi nang malakas. Sa kanyang
sarili’y naidugtong niya na hindi masusukat ng kanyang ina kung gaano ang pait
para sa kanya ang pagkamatay ni Anita, palibhasa’y lingid sa kaalaman ng
matanda ang tunay na nangyari sa pagkamatay nito.
Kung nalalaman lamang ni inang ang
lahat, ang nasasabi niya uli sa kanyang sarili samantalang minamasdan niya ang
isang ulilang bituin sa may tapat ng libingan ng kanilang bayan, na
ipinapalagay niyang kaluluwa ni Anita, “disi’y hindi ako itataboy sa
kasayahan.”
Pinag-uusapan pa lamang ng mag-ina nang
umagang yaon ang malaki nilang kapalaran sapagka’t mabuti ang lagay ng tanim
nilang palay nang isang utusan sa bahay-pamahalaan ang dumating tagkay ang utos
ng hukumang sila’y pinapaalis sa kanilang lupang kinatatayuan. Sinasamsam ni
Don Teong na ama ni Anita ang lahat ng lupa nilang sinasaka.
“Inang, matalim ba ang itak ko?” ang
unang naitanong ng anak sa ina matapos matunghayan ang utos ng hukuman.
“Anak ko!” ang palahaw na pananangis ng
matandang babae, sabay lapit sa leeg ng anak. “Bakit ka mag-iisip nang gayon,
sa tayo na lamang dalawa ang nabubuhay sa daigdig?”
Ang tinig ng matanda ay nakapagpalubag
ng kalooban ng binata. Gayon man, sa harap ng bagong pithaya ng may-ari ng
lupang kanilang binubuwisan, ay isa-isang nagbabalik sa alaala niya ang
malungkot na kasaysayan ng kanilang lupang sinasaka.
Ang sabi’y talagang sa kanunu-nunuan ng
kanyang ama ang naturang lupa. Walang sino mang sumisingil sa kanila ng buwis
at walang sinumang nakikialam sa anumang bunga ng kanilang mga tanim, maging
mais o tubo, o kaya’y maging anuman sa mga gulay na tanim nila sa bakuran.
Subalit nang bata pa ang kanyang ama ay
may nagsukat ng lupa sa sinasabing kanila. Palibhasa’y wala silang maibabayad
sa manananggol, ang pamahalaan ay nagkulang ng malasakit sa kanilang karalitaan
upnag tangkilikin ang kanilang katwiran at karapatan. Sa wakas ay napilit
silang mamuwisan nang di nila makuhang umalis doon.
Noong bata pa si Marcos, ang bayad
nila’y isang salapi lamang isang taon sa bawat ektarya ng lupang kanilang
sinasaka. Subalit nagtatagal, unti-unti na silang nababaon sa pagkakautang sa
maylupa dahil sa mga kasunduang ipinapasok sa pana-panahon, gaya ng takipan at
talindawa.
Kaya namatay ang ama ni Marcos ay dahil
din sa malaking sama ng loob kay Don Teong. Ang kapatid niya’t namatay din sa
paglilingkod sa bahay nito, at higit sa lahat, nalaman niyang kaya namatay si
Anita ay sapagkat natutop ng ama nakipagtagpo minsan sa kanya sa loob ng
halamanan, isang gabing maliwanag ang buwan.
Saka ngayoy paalisin naman sila sa
kanilang bahay at lupang binubuwisan?
Si Anita ay lihim na nagging kasintahan
ni Marcos, mahigit nang isang taon noon. Sapul nang dumating si Anita sa
kanilang bayan buhat sa pag-aaral sa isang kolehiyo ng mga madre sa Maynila, si
Marcos ay nagsimpan na ng malaking pag-ibig sa kanya. Alam ni Marcos ang
kanyang kalagayan na halos ay lumaki sa ibabaw ng kalabaw at sa pagtikin sa
kanilang damo sa ilog.
Si Marcos ay nagtapos lamang ng
katesismo sa eskuwelahan na silong ng kumbento sa kanilang bayan at natutong
sumulat sa pisara ng malaking numero. Ngunit gayon man, nagsikap siyang idilat
ang kanyang mga mata sa liwanag ng kabihasnan at pagkaunlad. Katutubo kay
Marcos ang hilig sa pagkatuto sapagkat sa pag-anib niya sa mga samahang
pambayan ay natuklasan niyang walang mabuting paaralan kundi ang pahayagan.
Walang aklat, walang pahayagan at lingguhan sa sariling wika na hindi binabasa
ni Marcos, kahit manghiram lamang kung wala na siyang ibili. Nagbasa rin siya
ng nobela at ibang akdang natutuhan niya sa wikang Tagalog o kayay salin sa
wikang ito.
Lalo na nang magsimpan siya ng pag-ibig
kay Anita, wala siyang inaalagata sa kanyang buhay kundi ang baling araw ay
maging karapat-dapat sa mga kamay ng anak ni Don Teong na may-ari ng lupa
nilang sinasaka. Isa pa’y bukod sa naniniwala siya sa kasabihan, “Ang lahat ng
tao, kahit hindi magkakakulay ay sadyang magkakapantay,” tinatanggap din niya
ang palasak ng kawikaang “Ang katapat ng langit ay pusalian.” Dahil diyan kaya
kahit bahagya ay nag-atubili ng pagsisimpan ng pag-ibig kay Anita.
At naibig naman siya ng anak ni Don
Teong. Bakit hindi siya maiibig? Minsan si Anita ay namangka sa kanilang ilog,
gumiwang ang Bangka at nahulog sa tubig. Si Marcos noon ay nasa lamo at lihim
niyang sinusundan ang bakas sa tubig ni Anita. Nang Makita niya ang malaking
sakuna ay lumundag siya sa ilog at sa pamamagitan ng langoy na hampastikin ay
inabot niya si Anita na kumakamot sa ilalim ng ilog. Matapos niyang kalawitin
ng kaliwa niyang bisig sa may baba ang dalaga ay bigla niyang isinikdaw ang
dalawa niyang paa sa ilalim kayat pumaibabaw sila, at sa tulong ng pagkampay ng
kanyang kamay at pagsikad ng dalawa niyang paa ay nakasapit sila sa pampang.
“Marcos, matagal na naman kitang
iniibig,” ang pagtatapat ni Anita sa binate, makaraan ang may ilang buwan buhat
nbang siya’y mailigtas.
Tatlumpung araw ang taning sa mag-ina
upang lisanin ang lupang gayong ang sabi ay ari ng kanilang ninuno at
binubuwisan na nila at sinasamsam pa ngayon. At saka silang mag-ina ay
itinataboy. Sino ang hindi magdadalang-poot sa gayong kabuktutan.
Dahil sa kanyang ina, natutong magtiim
si Marcos ng kanyang mga bagang. Kinagat niya ang kanyang mga labi upang huwag
mabulalas ang kanyang galit. Kinuyom niya ang kanyang mga kamay hanggang matimo
sa palad niya ang kanyang mga kuko.
Isang takipsilim nang marinig niya sa
kampanaryo ng kanilang simbahan ang malungkot na agunyas. Una muna ang malaking
kampana saka sumunod ang maliit. Bang! Teng! Bang! Teng! Babae ang nalagutan ng
hinihinga. Maliit naman ang kanilang bayan upang malihim pa kung sino ang
binawian ng buhay. Wala siyang nalalaman na may sakit kundi si Anita. Dahil sa
pagkatutop sa kanila isang gabi, ang dalaga ay sinaktang mabuti nang ayon sa
nagbalita kay Marcos ay mata lamang ang walang latay.
Buhat noon ay nagkasakit na si Anita.
Araw-araw ay tumatanggap si Marcos ng balita. At nang tangkain niyang dumalaw
minsan ay hinarang siya ni Don Teong na may hawak na rebolber. Susuong din sana
si Marcos, subalit nagdadalawang-loob siya. Maaaring maging dahilan iyon ng
bigla pang pagkamatay ng kanyang iniibig, bukod sa magiging subyang sa kanyang
ina kung siya ay mawawala.
Ang huling dagok na ito sa kanya ni Don
Teong ay isinama lamang niya sa talaan ng pagmamalupit sa kanya ng mayamang
may-ari ng lupa nilang binubuwisan. Pag-agaw ng lupa sa kanila. At saka noo’y
pagtatangka pa sa kanyang buhay. Pinakahuli nga ang pagkamatay nang tuluyan ni
Anita, na ayon sa balita niya’y nalagutan ng hiningang siya ang tinatawag. Saka
nitong huli ay pagpapaalis sa kanilang lupang kinagisnan at pinagyaman sa tulo
ng kanilang pawis na mag-anak.
Ngunit si Marcos, isang manggagawang
hubog sa palihan ng bagonga panahon, lumaki ang puso sa mga pagtitiis. Naging
maluwag nga ang kanyang dibdib sa pagtanggap ng pang-aapi ng may-lupa. Hanggang
noong bagong pag-upasala ng itinuturing niyang panginoon. Datapwat nang
tanggapin niya ang utos ng hukuman na pinaalis sila roon, talagang nagdilim ang
kanyang isip. Noon pa’y naisip na niyang gawing batas ang kanyang kamay, yamang
hindi na niya matatamo ang katarungan sa hukuman ng mga tao.
“Huminahon ka anak ko,” ang sabi ng
kanyang ina. “Hindi natutulog ang Bathala sa mga maliliit. Magtiis tayo.”
Hindi niya itinuloy ang paghanap sa
kanyang itak na matalas. Pagkakain niya ng agahan, nilibang niya ang kanyang
ina saka lumabas sa bukid. Gaya rin ng dati’y sinakyan niya ang kanyang kalabaw
na lalong mahal niya sa lahat sa limang alaga niya. Lumabas siya sa bukid at
hinampas niya ng tanaw ang karagatan ng namumulang ginto. Pagdaramdam at
paghihinayang ang ngumatngat sa kanyang puso. Gaanong pagod ang kanyang
pinuhunan upang ang palay nila’y magbungang mabuti? Sala ngayo’y pakikinabangan
at matutungo lamang sa ibang kamay.
Napapalatak si Marcos sa ibabaw ng
kanyang kalabaw. Ibig mang pagdiliman ang isip kung nagugunita ang utos ng
hukuman, ang alaala naman ng kanyang ina’y walang iniwan sa bahagharing
sumusugpo sa nagbabalang unos. Dadawala na lamang sila sa daigdig at ayaw
niyang pabayaan ang kanyang ina; ipinangako niyang hahandugan ng kaligayahan
ang nalalabing buhay nito,bago malagutan ng hininga ang kanyang ama.
Dahil nga sa kanyang ina, kaya naisip
niya ang kabutihan kung sila’y magsasarili: “Tungo sa hilaga at kukuha ng
homestead. Kakasundo ng mga bagong magsasaka; paris ni Don Teong, kailangang
magkaroon din ako ng gayak paris niya.”
Kabalintunaan man ang sinasabi ng anak
ay hindi na nag-usisa ang ina palibhasa’y nababatid niyang sa dibdib ng binate
ay may isang halimaw na natutulog na hindi dapat gambalain upang huwag
magising. Wala siyang nalalaman kundi tuwing takipsilim, kung nakaligpit na ang
mga tao sa nayon ang buong kagayakan ay isinusuot ng kanyang anak saka
lumalabas sa bukid. May dalawang linggo nang gayon ang ginagawa ni Marcos,
hanggang isang araw ay tawagan siya ng pansin ng matanda.
“Marcos,” sabi ng matanda. “Dalawang
linggo na lamang ang natitira sa ating taning ay hindi mo ginagawa ang
pakikipagtuos kay Don Teong… kung may magiging sukli man lamang tayo sa ating
ani ngayon?”
“Huwag ka pong mabahala, Inang,” sabi ng
mabait na anak. “Nalaglag po ang dahon sa kanyang kapanahunan.”
Talinghaga na naman ang sinabi ni
Marcos. Gayon man may nagunita siyang isang bagay na ibig niyang malaman sa
anak.
“Bakit hindi mo iniuwi ang kalabaw sa
bakuran?” Tinutukoy niya ang kalabaw na mahal na mahal sa lahat ni Marcos.
Maaaring magpakahinahon si Marcos,
subalit ang huling kapasiyahan ni Don Teong ay namukaw ng lahat ng kanyang
pagtitimpi. Ayaw niyang gumamit ng dahas, subalit….
Nagunita niya ang sinabi ni Rizal.
“Walang mang-aalipin kung walang magpapaalipin.” Napailing siya sa harap ng
gayong masaklap na katotohanan. Patong-patong na ang ginagawang pamamaslang sa
kanya ni Don Teong – takalang dapat nang kalusin. Nagunita rin ni Marcos ang
marami pang ibang kasama, katulad din niya, na sa kamay ng mayamang si Don
Teong ay walang iniwan sa mga leeg ng manok na unti-unting sinasakal hanggang
matikil ang hininga sa hangad na mahamig na lahat ang kayamanang gayong minana
sa kanilang mga ninuno ay iba ngayon ang may-ari at nagbubuwis pa.
“Kailangan maputol ang kalupitang ito!”
Ang tila pagsumpa sa harap ng katalagahang ginawa ni Marcos.
“Bakit ka bumili ng pulinas, gora,
suwiter, at latigo, anak ko?” ang tanong ng matanda kay Marcos, isang araw na
dumating siyang pagod na pagod sa naturang dala-dalahan.
“Inihahanda kop o iyon sa pagiging
panginoon natin, paris ni Don Teong,” ang nakatawang sagot ng anak. “Kung tayo
po’y makaalis na rito, tayo’y magiging Malaya,” ang tila wala sa loob na tugon
ng anak.
Ang totoo, ang naturang kalabaw ni
Marcos ay nakapugal sa hangganan ng lupang sarili ni Don Teong. Kung takipsilim
ay isinusuot na lahat ni Marcos ang pulinas, ang gora, at ang suwiter, saka
dala ang latigong katulad ng pamalo ni Don Teong. Pagdating niya sa pook na
kinapupugalan ay saka aasbaran ng palo ang kalabaw hanggang sa ito’y umuungol
na ang alingawngaw ay abot hanggang sa kalagitnaan ng bayan. Kung dumating
siya’y dinaratnan niya ang kanyang inang matuwid ang pagkakaluhod sa harap ng
isang maitim na Sano Kristo sa kanilang silid na naiilawan ng isang malaking
kandila.
“Salamat, anak ko, at dumating ka,” ang
sasabihin na lamang ng matanda. “Akala ko’y napahamak ka na.”
Si Don Teong ay may ugaling maglibot
tuwing hapon sa paligid-ligid ng kanyang lupa. Ang ipinanganganib ng ina ni
Marcos ay baka magkasalubong ito at ang kanilang panginoon, ay hindi
makapagpigil ang isa’t isa. Nalalaman din ng matandang babae na laging may
dalang rebolber sa baywang ang mayamang asendero buhat nang magkaroon ng alitan
dahil sa lupa, kaya lagi niyang inaalaala ang pag-alis-alis ni Marcos.
Subalit isang hapon, samantalang
payapang inihahanda ng mag-ina ang kanilang pag-alis, walang iniwan sa putok ng
bulkan ang balitang kumalat sa bayan na si Don Teong ay namatay sa pagkasuwag
ng kalabaw. Sinabi ng mga nakakita na pagkakita pa lamang ng kalabaw kay Don
Teong ay tila may sinumpang galit sapagka’t bigla na lamang sinibad ang matanda
at nasapol sa katawan ng asendero ay tumilapon pa sa itaas at paglagpak ay
sinalo naman ng kabilang sungay.
Ang katawan ni Don Teong ay halos
lasog-lasog nang iuwi sa bayan, wasak ang suwiter sa katawan at saka ang
pulinas. Kumilos agad ang maykapangyarihan upang gumawa ng kailangan
pagsisiyasat subalit ang lahat ng matuwid ay nawalan ng halaga sa hindi
kumikilos na ayos ng kalabaw na animo’y wala sa loo bang ginawa niyang
napakalaking pagkakasala.
Nang malamang kay Marcos ang kalabaw,
bawat isa’y nagkatinginan. Hindi nila malaman kung papaanong ang poot ni Marcos
kay Don Teong ay nagtungo sa alaga niyang hayop.
Si Marcos ay nakatingin din sa orasan
nang gabing yaon. Tatlong minute na lamang ang kulang sa ika-8 ng gabi. Hindi
siya gumagalaw, hindi siya nababahala.
Tumugtog ang animas. Hindi na gaya ng
dating ayaw niyang marinig ito. Sa halip na idalangin, ang kalululuwa ng mga
namatay, ang naisip niya’y ang matapang niyang kalabaw.
“Mapalad na hayop na walang panginoon,” ang
kanyang naibulong.