Akademikong Pagsulat

Share:

Ang bawat disiplinang pang-akademiya ay may kanya-kanyang panimulang estilo at nilalaman. Ang isang takdang sulatin ay may iba’t ibang kailangan sa bawat kurso ng pag-aaral. Bawat propesor ay may kanya-kanya ring ispesikasyon at preperensya sa kung paano ang pagsulat na kailangang ikunsidera. Ang ganitong sitwasyon ay di naiiba sa mga propesyonal kung saan ang isang empleyado ay kailangang isaisip kung ano ang kagustuhan ng mga kapwa empleyado, pinuno ng laboratori o ng manedyer ng opisina sa pagsasagawa ng kanyang takdang gawain.

1.       Pagsulat ng Report o Ulat

Ito’y paglalahad ng mga paktwal na impormasyon o katotohanan: kung anong nasaksihan, narinig, nabasa, naranasan, o natuklasan at napag-alaman.

Ang pag-uulat ay karaniwang nasusulat sapagkat ito ay palagiang tala at napagkukunan ng madaliang impormasyon. Ito ay bunga ng isinasagawang pagsasaliksik, pagsusuri, pag-aaral, pagbabasa, pagmamasid, pakikinig at pagsubok. Upang makatotohanan ang isang report o ulat, kailangan dito ang masusing pag-aaral, mabisang pagtataya at pagkilala sa mga nakuhang tala at paggamit ng mga angkop na salita.

Layunin nitong makapagbigay ng mga mahahalagang impormasyon at mga karampatang hakbang sa mga kaugnay na gawain. Nagagawa ang pagrereport sa iba’t ibang disiplina o larangan.

Iminungkahi nina Hernandez, et al., (1989) ang mga patnubay sa paghahanda ng report upang maging kasiya-siya at kawili-wili ito:

-          Pumili ng mahalaga at nababagong paksang tatawag sa pananabik ng mambabasa.
-          Takdaan ang saklaw ng paksang tatalakayin. Huwag gawing napakahaba o napakalawak ng saklaw ng gagawing report.
-          Magsaliksik at mangalap ng impormasyon. Magagamit dito ang natutuhan sa mga naunang aralin.
-          Pagpasiyahan kung aling kaalaman ang isasama.
-          Balangkasin ang paraan ng pagkakaayos ng mga kaalaman. Pagsama-samahin ang mga bagay-bagay na nais mong tukuyin sa isang paraang madali kang mauunawaan ng bumabasa.
-          Gumamit ng panimulang aakit ng interes ng babasa at makabuluhang pangwakas na pangungusap o talata.
-          Iwasto ang ulat. Maaari itong bawasan o dagdagan kung kailangan.

Mga Uri ng Ulat

A.      Ulat ng Pananaliksik

Ito ay kinapapalooban ng mga natuklasan sa tulong ng riserts at eksperimentasyon. Madalas itong gamitin sa mga disiplinang agham at edukasyon.

B.      Ulat Tekniko

Maliban sa mga pangkaraniwang pinag-aaralan o sinusuri, ang mga bahaging teknikal ay kailangan ding mabigyang linaw at maipaliwanag. Kabilang dito ang teknikalidad sa larangan ng brodkasting, pelikula, radyo, at information technology.

C.      Ulat sa Panayam o Pagbasa

Kilala rin ito bilang reaksyong papel. Dito ipinapahayag ang mga puna, komento at mungkahi ukol sa narinig o nabasa.

2.       Ang Reaksyong Papel o Panunuring Papel

Ang reaksyong papel o panunuring papel ay tumutukoy sa paglalahad ng makatarungan, patas o balanseng paghuhusga o assessment sa mga sitwasyong may kinalaman sa mga tao, bagay, pook at mga pangyayari. Sumasaklaw rin ito sa matalinong pagtataya sa kalidad, kakayahan, pamamaraan, katotohanan at kagandahan ng obra maestra. Isang halimbawa ay ang pagbibigay ng reaksyon ng mga tao sa mga pangyayaring pampolitikal, pang-ekonomikal o pansosyal. Puwede ring ipahayag ang reaksyon o puna sa panood ng pelikula, dula, konsyerto o ipinintang disenyo o larawan.

Ang rebyu o panunuri naman ay isang paraang nagpapahalaga, nagtitimbang at nagpapasiya sa isang akda o likhang sining. Layunin nitong hanapin ang kabutihan at katotohanan para bigyang-pansin ang kahalagahan at kariktan; at hanapin ang kahinaan ng akda o pagtatanghal upang ito’y mapapabuti. Ito ay hindi pamimintas na halos walang makitang mabuti sa bagay na sinusuri. Tumutukoy ito, hindi lamang sa kakulangan kundi sa mabubuting bagay na isinasaalang-alang. Ito’y sinusulat hindi upang magbigay ng papuri o manira bagkus ay upang timbangin ang kahinaan at kagalingan at pagkatapos ay magbigay ng angkop na pagpapahalaga at pagpapasiya sa isang aklat o pagtatanghal at iba pang akdang pampanitikan.

Sa pagrerebyu o panunuri kailangang gagamitin ito ng malawak, matapat at balanseng paglalahad ng kuro-kuro o palagay; at nilalapatan ng matatag, angkop, malinaw, tiyak at walang kinikilingang pagpapasya. Kaya bilang manunuri, kailangang may malawak na kaalaman at karanasan hinggil sa sining na sinusuri bukod sa kakayahang magsuri (Abad, 2003).

Mga Uri ng Rebyu o Panunuri

A.      Rebyung Pansining

Ito ay pagpapahalaga sa mga likhang-sining tulad ng eskultura, pagpipinta, atb.

B.      Rebyung Pampanitikan

Ito ay pagpapahalaga sa pagsulat na gawain tulad ng mga aklat, pananaliksik, pag-aaral at akdang pampanitikan (tula, sanaysay, maikling kuwento, nobela at iba pa). Ito rin ay tinatawag na suring-basa.

Mga Pamantayan sa Pagsusuri

Narito ang ilang panuntunan sa pagsasagawa ng pagsusuri o pamumuna batay sa iba’t ibang uri ng panitikan, gaya ng maikling kuwento, tula, at dulang pantanghalan, programang pantelebisyon at pelikula (Aguilar at Cruz, 2000).

A.      KUWENTO
·         Anong panauhan, kalagayan, o kaanyuan mayroon ito?
·         Mahalagang papel ba ang ginagampanan ng pangunahing tauhan? Kumakatawan ba siya sa isang tunay na taong may suliraning dapat harapin?
·         Makatotohanan ba ang mga pangyayari? Anong damdamin mayroon ito?
·         Maayos ay malinaw ba ang pagbabalangkas ng mga pangyayari?
·         Mabisa bang napalulutang ang mahalagang aral na nais ipahiwatig ng may-akda?
·         Mabisa, malinaw at angkop ba ang mga salita o kilos ng mga tauhan?

B.      TULA
1.       Ano-anong simbolo o sagisag ang ginamit ng may-akda upang maging lutang ang damdamin at kaisipan nito?
2.       Gumamit ba ang may-akda ng mga matalinghagang pahayag o mga tayutay?
3.       Anong uri ng tula ang binasa?
4.       Anong estruktura o anyo ang ginamit sa pagpapahayag ng diwa nito?
5.       May dala bang mahalagang isyu ang tula?
6.       Anong layunin ang nais ihatid ng may-akda sa mambabasa? Bakit kaya niya ito isinulat? Ano-ano ang nais niyang bigyang-buhay?

C.      DULANG PANTANGHALAN

1.       Batay sa mga Katangian
a.       Matatagpuan ba rito ang mga kinakailangang elemento ng uri o estilo nito?
b.      May kaganyakang unibersal kaya ito?
c.       May kakanyahan ba at makabago ang estilo?
d.      Malinaw ba ang pagkakabuo ng mga pangyayari tungo sa kasukdulan (climax)?
e.      Makatotohanan at malinaw ba ang paglalaarawang-tauhan na gumigising sa damdamin ng mga manonood?
f.        Mahusay at makatotohanan ba ang dayalogo o usapan?
g.       May kaisahang bisa ba na nagbibigay ng interes sa pamamagitan ng pag-iiba-ba?
h.      Nagpapahiwatig ba ng katimpian?
i.         May pagkakatimbang-timbang ba ng bugso ng damdamin?

2.       Batay sa Pagganap (Acting)
a.       Kapani-paniwala ba ang bawat pagganap ng mga tauhan?
b.      Nababagay sa tauhan ang mga katangian ng interpretasyon at pagsasalita (projection)? Natatamo ba sa pagpapahayag ng linya at “cue pick-up” ang tamang tempo at ritmo?
c.       Ang kilos, senyas at galaw ba ay nakagaganyak, malinaw, may pagkakaiba-iba at naaangkop?
d.      Kasiya-siya ba ang masining na pamamaraan ng pagganap?
e.      Ang kapangyarihan at damdamin ng  tauhan ay kapwa ba magkatugma? Makatotohanan ba ang reaksyon o pagtugon? Ang himig (mood) ba ay napanatili? Ang kasukdulan ba ay natamo?
f.        Naitatag ba ang tamang ugnayan sa lahat ng tauhan? Mayroon bang pagtutulungan?
g.       Ang mga tauhan ba ay nakapagpahayag sa pamamagitan ng oral at biswal sa mga manonood? Sila ba ay malinaw, mapagtimpi, nakagaganyak, at matipid sa pagpapahayag?

3.       Ayon sa Awtor
a.       Ang lahat ba ng aspekto ng pagkakaisa ay tunay sa naging layunin ng awtor?
b.      Ang kabuuan ba ng tanghalan ay naging epektibo sa empasis, pagkakatugma, at pagkakaiba-iba?
c.       Ang ritmo at tempo ba ay nagdulot ng tamang himig na angkop sa kasukdulan at tamang eksena at yugto?
d.      May tama bang pagkakatimbang ang damdamin at panlasa sa kagandahan o sining?

4.       Batay sa Pagtatanghal
a.       Ang mga ilaw ba ay nakapagtatag ng tamang panoorin, empasis, at himig?
b.      Angkop ba ang tagpuan o tanawin?
c.       Ang costume at make-up ba ay may pagkakaayon sa tauhan, panahon, himig, at estilo?
d.      Naging epektibo ba ang musika, tunog, kurtina, atbp? Naging mabilis at matahimik ba ang pagpapalit ng eksena?

1.       Ayon sa Reaksyon ng mga Manonood
a.       May reaksyon ba mula sa mga manonood?
b.      Patuloy bang nagpapakita ang damdamin sa layunin ng dula ang mga manonood- tumatawa at umiiyak ba sa tamang oras?
c.       Naging mabisa ba ang dramatikong eksena dahil sa magagandang salitaan o pahayag?
d.      Taos ba sa puso ng mga manonood ang patuloy na palakpakan?
e.      Pinag-uusapan o tinatalakay ba ang dula sa intermisyon at pagkatapos ng dula?

D.      PROGRAMANG PANTELEBISYON

1.       Kung ang susuriin ay programang pantelebisyon, mahalagang maitala ang sumusunod:
-          Estasyon
-          Oras ng programa
-          Mga tagapagsalita / ispiker

2.       Suriin ang programa ayon sa:
-          Pormat (mga bahagi)
-          Kabuluhan ng mga pangyayari / takbo ng mga pangyayari
-          Direksyon at kabuuan ng produksyon
-          Mga tagapagsalaysay o tagapagkilala

3.       Suriin at ilahad ang kahinaan (weakness) ng panlabas
4.       Magbigay ng mga suhestiyon o mungkahing pagbabago

Gabay sa Pagsulat ng Rebyung Pantelebisyon

1.       Pagsusuri ng Drama
-          Suriin ang mga aral na natutuhan s palabas batay na rin sa moral na pananaw
-          Suriin ang pagganap ng mga artista na nagbigay-buhay sa drama
-          Suriin ang makatotohanang pagkalahad ng istorya
-          Suriin ang kabuuang produksyon o direksyon

2.       Pagsusuri ng Komedi
-          Isaalang-alang ang pagiging katawa-tawa ng bawat sitwasyon o aktong ipinakikita
-          Isaalang-alang ang katawa-tawang pagganap ng mga tauhan]
-          Isaalang-alang ang kabuuang direksyon

3.       Pagsusuri ng Balitaan, Talakayan (talk show) o Interbyu
-          Bigyang pansin ang pagpapahayag ng balita o interbyu
-          Alalahanin ang kabuluhan ng bawat balita o isyung tinatalakay
-          Bigyang pansin ang gawi ng tagapagbalita
-          Isaalang-alang ang mga aral o leksyong natutunan
-          Alalahanin ang paghihiwalay sa komentaryo at balita
        -       Bigyang pansin ang kabuuang produksyon

You are visiting this Akademikong Pagsulat post. Others also searched Ano ang Akademikong Pagsulat, Kahalagahan ng Akademikong Pagsulat, Bakit Isang Proseso ang Akademikong Pagsulat, Layunin ng Akademikong Pagsulat, at Katangian ng Akademikong Pagsulat.