Ang isang teksto o sulatin ay binubuo ng tatlong pangunahing bahagi: (A) introduksiyon o panimula, (B) gitna o katawan, at (C) wakas o kongklusyon.
A. Introduksiyon
Ang introduksiyon ang
pinakamukha ng sulatin. Kailangan itong maging kaakit-akit upang maganyak ang
mambabasang basahin ang buong katha. Ito ay maaaring pangungusap o talata. Ito
ay dapat ibagay sa haba ng katha. Ito’y dapat maging malinaw, maintindihan,
makaapekto at mabisa dahil maaasahan ang atensyong ibibigay ng mambabasa.
Mahalaga ang pagsisimula
sa pagsulat ng makabuluhang komposisyon. Nakasalalay dito ang pagtatagumpay ng
isang sumusulat ng komposisyon na maakay ang kanyang mambabasa upang tuluyang
basahin ang akda. Ang haba ay ibagay sa haba ng komposisyon. Kung maikli lamang
ang komposisyon, ang isang talataan o maging isang pangungusap ay sapat nang
introduksiyon.
Mga Paraan
ng Pagsisimula
Binanggit nina Arrogante
(2000); Leyson at Montera (2005) na maraming paraan ang maaaring gamitin sa
pagsisimula ng sulatin. Narito ang ilang mungkahing paraan sa pagbuo ng
introduksiyon ng sulatin o komposisyon:
Mga Paraan
1. Pasaklaw na
Pahayag
Ang resulta o kinalabasan
muna ang sinasabi bago isa-isahin at pagsunud-sunurin mula sa di gaanong
mahalaga hanggang sa pinakamahalagang mga detalye. Ito’t karaniwang makikita sa
araw-araw na pahayagan.
Halimbawa:
Tatlo-katao kabilang na
ang isang kagawad ng pulisya ang dinakip ng mga awtoridad makaraang ireklamo ng
walumpung sibilyan sa kasong illegal recruitment sa isinagawang entrapment
kamakalawa sa Antipolo City.
-Pilipino
Star Ngayon
Nobyembre
14, 2004
Ito’y nagpapahayag muna ng
pinakadiwa bago tuntunin ang sadyang talakay.
Halimbawa:
Ang stroke at heart attack
ang nangungunang killer ng tao sa buong mundo…..
-Pilipino
Star Ngayon
Nobyembre
14, 2004
3. Pagtatanong
Patanong ang ginagamit na
paraan ng manunulat.
Halimbawa:
Paano natin mararamdaman
ang tagtuyot o epekto ng “El Niño” sa gitna ng malamig na simoy ng Nobyembre?
Mayroon pa ngang pulu-pulutong na ulan at panakanakang kidlat sa kalangitan.
-People’s
Journal Tonight
Nobyembre
14, 2004
4. Tuwirang
Sinasabi
Ito’y karaniwang nakikita na nakapanipi dahil kuha
ito sa mga awtor o bantog na tao.
Halimbawa:
“Ako’y isang taong
mapagmahal ngunit ako rin ay may tungkuling gawain at isasagawa ko ito….”
-The
Philippine Star
Setyembre
15, 2001
5. Panlahat na
Pahayag
Ito’y nagtataglay ng
kahalagahang unibersal na maaaring hanguin sa mga salawikain, sa mga kawikaan
at maging sa mga pamilyar at pang-araw-araw na makatotohanang kaalaman ng lahat
na nagtataglay ng diwa o aral.
Halimbawa:
Ang ginawang kabutihan ay
madaling makalimutan subalit ang nagawang kasalanan ay baon-baon hanggang
libingan. Tunghayan ninyo ang kasaysayan ni Carmelita Tagonon ng Surigao del
Norte. Tawagin na lamang natin siyang Lita.
6. Paglalarawan
Ito’y ginagamit kapag
nagtatampok ng tao sapagkat nagbibigay-deskripsyon, mga malarawan at maaksyong
salita ang ginagamit.
Halimbawa:
Isa siya sa pinakamaliit
sa klase. At isa rin sa pinakapangit. Ang bilog at pipis niyang ilong ay
lubhang kapansin-pansin at tingnan lamang iyo’y mahahabag na sa kanya ang
tumitingin. Kahit ang paraan niya ng pagsasalita ay laban din sa kanya. Mayroon
siyang kakatuwang punto na nagpapakilalang siya’y taga ibang pook.
mula sa
“Paglalayag… sa Puso ng Isang Bata” ni Genoveva E. Matute
7. Pagsalungat
Binibigyang diin dito ang
pagkakaiba. Kung mas malaki ang pagkakaiba mas matindi ang bisa.
Halimbawa:
Noon malinis, maayos at
mapayapa ang aming bayan. Ngayon, malaki na talaga ang pinagbago ng bayan
naming ito dahil kabaligtaran na ang makikita mo.
B. Gitna o
Nilalaman
Ito’y pinakakatawan ng
sulatin. Ang mga talata nito ay kinapapalooban ng mga pangunahing kaisipan at
mga pantulong o pansuportang detalyeng maayos ang pagkasunod-sunod tungo sa
malinaw na ikapaliliwanag ng paksa.
Sa pagbuo ng bahaging ito
ng komposisyon, alalahaning dapat na mapanatili ang kawilihan ng mga mambabasa.
Ang nakalilito at malabong pagpapahayag ng mga ideya ay makababagot sa mga
mambabasa. Kailangang mapagsama ang mga kaisipang magkakatulad, magkakauri at
magkakaugnay upang maging maliwanag at hindi nakalilito ang pagpapahayag.
Ilang pangkalahatang
paraan sa pagsasaayos ng katawan ng komposisyon ay ang mga sumusunod
(Arrogante, 1994):
Mga Paraan
1. Pakronolihikal
Ito’y pag-aayos sa mga
pangyayari na magkasunod-sunod mula sa pinakamatagal hanggang sa
pinakasalukuyan.
Halimbawa:
Kung ang paksa’y tungkol
sa talambuhay, ito’y simulan sa paglilihi ng kanyang inay hanggang sa
kasalukuyan niyang buhay.
2. Paanggulo
Ito’y pagsasaayos na
ibinabatay sa personal na masasabi o reaksiyon ng bawat tao tungkol sa mga
bagay-bagay o isyu tungo sa isang obhektibong paglalagom. Sa isang isyu, ang
tatlong anggulo ay sapat na para makabuo ng isang komposisyon.
Halimbawa:
Kung ang paksa’y tungkol
sa Bitay o Hatol, ang mga anggulo ay maaaring kunin sa; mga kriminal mismo na
pagtutol di pagsang-ayunan; bawat sektor ng mamamayan na magkaroon ng iba’t
ibang pagpapasya. Sa pamamagitan ng pagtitimbang-timbang sa bilang ng reaksyong
nakuha ang kongklusyon ay madaling magagawa.
3. Paespasyal o
Paagwat
Pinauunlad ang paglalahad
sa malapit na sinisimulan dahil ang mga bagay-bagay dito’y alam na alam,
patungong malayo o palayo kung saan man ang mga bagay-bagay ay hindi gaanong
kilala o “vice versa”.
C. Wakas o
Kongklusyon
Kung dapat isaalang-alang
sa pagsulat ng isang makabuluhang sulatin ang wastong pagsisimula, nararapat
ding pagtuunan ng pansin ang maayos na pagwawakas. Mawawalan ng saysay ang
kagandahan ng komposisyon kung ang sumulat nito ay nakalimot sa katangian ng
isang maayos na pagwawakas. Ang maayos na pagwawakas ay lumalagom sa mga kaisipang
inilahad sa komposisyon.
Ang wakas ay dapat na
maikli dahil kung ito’y pahahabain, di na ito mabisa at di kasiya-siya. Ito ang
pangkalahatang palagay o pasya tungkol sa paksa batay sa mga katibayan at mga
katwirang iniisa-isa sa gitnang bahagi. Kailangang mag-iwan ito ng kakintalan o
bisang pangmatagalan sa mga mambabasa.
Ilang mungkahing paraan sa
pagbuo ng wakas ng komposisyon ay ang mga sumusunod:
1. Tuwirang Sinasabi
Halimbawa:
“The US Presidential
election teaches us to become more aggressive and make an intensive drive to
continue with our efforts to modernize the country’s electoral system,” ani
Rosales na nagsabing susuriin ng Kamara de Reperesentantes ang anumang butas
upang ipatupad ang batas modernisasyon.
-Taliba (Nobyembre
5, 2004)
2. Panlahat na
Pahayag
Halimbawa:
… Kung ano ang bawal, iyon
ang masarap. Subalit ang masarap ay pumapalit din kalaunan, wika nga.
3. Pagbubuod
Halimbawa:
Marami pang humihingi ng
hustisya. Walang nakaaalam kung kailan nila iyon makakamtan.
4. Pagpapahiwatig
ng Aksyon
Halimbawa:
… Kung hindi na
madadagdagan ang populasyon, maaaring wala nang gaanong magugutom. Kung ganoon,
dapat na magkaroon nang masidhing kampanya ang pamahalaan para mapigil ang
pagdami ng mga tao.
5. Pagtatanong
Halimbawa:
Ngayon sa oras ng
matinding pagsubok na hinaharap ng ating bayan at karamihan sa ating kababayan
ay lugmok sa kahirapan, ano ang puwede mong gawin para makatulong? Ano ang
dapat gawin ng mga pinuno ng ating bayan para maibsan ang matinding pagdurusa? Ano
sa palagay ninyo?
6. Pagsisipi
Halimbawa:
(Kumukopya ito ng isang
linya o mahigit pa sa isang akda, patula man o tuluyan, na angkop sa
tinatalakay na paksa.)