Madalas tayong nagkukuwento ng mga
pangyayaring nasaksihan o naranasan subalit kung minsan hindi malinaw ang
paghahatid natin ng mensahe dahil na rin sa kakulangan ng mga detalye o kaya
naman ay napaghahalo-halo natin kaya’t maging ang kausap natin ay nalilito kung
nababago ang mga pangyayari. Ang bawat kuwento ay binubuo ng mga sunod-sunod na
pangyayari: simula, gitna, at wakas. Bawat manunulat ay may kanya-kanya ring
estilo ng pagkukuwento minsan ay pabalik na nagsisimula sa gitna, patungo sa
simula o tinatawag na “flashback.”
- Bumalik sa Board of Election Inspector (BEI)
para lagyan ng indelible ink ang inyong daliri.
Ang pagsusunod-sunod ay naglalayon ding
ipabatid sa mga mambabasa ang isang paksa sa pamamagitan ng paglalahad ng mga
impormasyon sa pamamaraang (a) sekwensyal, (b) kronolohikal at (c) prosidyural.
Sinasagot nito ang mga tanong na papaano, gaya halimbawa ng: paano nagsimula,
nadebelop at nagtapos ang mga pangyayari? Paano isinagawa ang proseso ng
paggawa? Papaano ang pagkakabalangkas? Malinaw na naipapakita sa mga tekstong
ito ang mga pangyayari, kaparaanan, kasaysayan mula sa simula hanggang sa
wakas.
Mga panandang ginagamit sa hulwarang
pagsusunod-sunod: una, sa simula, noon, samantala, saka, maya-maya, hanggang,
huli, nang magkaganon, pagkatapos.
Halimbawang
Teksto
Sekwensyal
Isang araw, habang naglalakad akong
papunta sa eskuwelahan, may narinig akong nagsisigaw ng “Snatcher! Snatcher!”
At bigla na lamang na may bumangga sa akin. Isang batang lalaki, mga 13-taong
gulang at mahigpit ang hawak sa tangan-tangang bag. Hinawakan ko siya sa
dalawang balikat habang nagpupumiglas. Bigla akong napatitig sa kanyang mga
mata, natigilan ako, dahil bigla kong naalaala ang batang si Nicolas.
Noong una kong nakilala ang batang si
Nicolas ay 10 taon lamang siya. Nag-aaral, masunurin at masayahin. Subalit nang
huli ko siyang makita ay nalaman kong may tatlong taon na palang patay ang
kanyang ama. Huminto siya sa pag-aaral dahil hindi raw kaya ng kanyang ina na
pag-aralin pa silang magkakapatid. Noon niya naisipan ang magtinda ng diyaryo.
Nagbarkada at naging laman ng kalye sa buong maghapon si Nicolas. At ngayon sa
murang gulang na 13 ay marunong nang manigarilyo at uminom ng alak. Natuto na
rin siyang mandukot.
Isa lang si Nicolas sa maraming batang
lansangan na inyong nakikita. Minsan lahat silay ay puno ng pangarap sa buhay.
Ngunit ngayon, wala na silang pakialam kung ano man ang kanilang maging
kahinatnan. Para sa kanila, wala na ring halaga ang buhay.
Hindi likas na masasama ang mga batang
ito; mga biktima lamang ng masamang kapalaran. May karapatan din silang mabuhay
sa ating lipunan upang matupad ang kanilang pangarap at harapin ang isang
magandang kinabukasan.
Halaw sa Makipagtalastasan
Tayo 1 nina Milambiling, et al. (1986)
Kronolohikal
Singapore
Matatagpuan ang Republika ng Singapore
sa kipot ng Malacca, isang maliit ngunit maunlad na bansa sa timog-silangang
Asya. Ito ay nakakawing sa Malaysia sa pamamagitan ng lansangang likha ng tao
sa ibabaw ng tubig.
Batay sa mga ulat ng Malay, noong 1160
A.D. matapos ang isang bagyo, si Utama (isang pinunong Malay) ay napagawi sa
isang bayan na kung tawagin ay Temasek. Dito ay nakakita siya ng isang hayop na
korteng-leon kaya’t naisipan niyang binyagan ang lugar bilang Singa-pura o
“Lunsod ng Leon”.
Noong 1819, itinatag ni Sir Thomas
Stamford Raffles ang makabagong Singapore. Dahil sa magandang lokasyon ng
bansa, hinimok niya ang Britain na bilhin at sakupin ang teritoryo. Naging
bahagi ang Singapore ng Straits Settlements, na noong 1867 ay napaloob bilang
kolonya ng Britain. Sa panahong ito, umunlad ang Singapore bilang isang
pangunahing sentro ng kalakalan at internasyonal na malayang daungan sa
pagbubukas ng Suez Canal.
Subalit hindi rin nakaligtas sa
pananakop ng mga Hapon ang Singapore. Ang isla ay nasakop mula 1942 hanggang sa
pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Ika – 3 ng Hunyo, 1959 nang magsarili
ang Singapore. Apat na taon ang lumipas nang sumali ang bansa sa Pederasyon ng
Malaysia. Subalit nang magkaroon ng mga alitan ng pederasyong Malay at
minoryang Tsino, ang Singapore ay tumiwalag at naging malayang bansa noong ika
– 9 ng Agosto, 1965.
Kilala ngayon ang Singapore hindi lamang
sa pagiging isang industriyalisadong bansa kundi sa pagkakaroon din nito ng
pinakamalinis na lunsod sa buong mundo.
Prosidyural
Paano Bumoto sa Automated
Election System?
-
Tiyakin na ang pangalan mo ay
nasa listahan ng botante sa presinto. Sa araw ng eleksyon, magpakilala sa
presinto. Bibigyan kayo ng balota na may mga pangalan ng mga kandidato at
marker (pangmarka)
-
Gamit ang marker, itiman o
i-shade nang buo ang oval na nasa tabi ng pangalan ng inyong napiling
kandidato.
-
Pagkatapos bumuto i-feed ang
nasagutang balota sa Precint Count Optimal Scan (PCOS) Machine.