Ano ba ang pagbasa?
Sa pamamagitan ng pagbabasa, nakatutuklas ng
maraming kaalaman at karunungan tutugon sa kanyang pangangailangang
pangkabatiran sa iba’t ibang disiplina tulad ng agham, panitikan, teknolohiya,
at iba pa. Higit sa lahat, mahalaga ang pagbasa sa isang tao para hindi
mapag-iwanan ng nagbabagong panahon gawa ng mga makabagong teknolohiyang
nagsusulputan ngayon.
Ang pagbasa ay nagtataglay ng maraming
kahulugan, depende sa sitwasyon. Iba-iba ang pagpapakahulugan nito batay sa mga
manunulat at dalubhasa bagamat iisa ang kaisipang nakapaloob dito. Narito ang
ilan:
Ang pagbasa ay pagkilala, pag-unawa,
pagpapakahulugan at pagtataya ng mga ideya sa mga nakalimbag na simbolo. Ito ay
proseso ng pag-unawa sa mga kaisipang hatid ng awtor sa mga mambabasa. Sa
pamamagitan ng pagbasa, nahahasa ang iba’t ibang kasanayan ng isang indibidwal.
Ang pagbasa kung gayon ay napakahalaga sa isang indibidwal sapagkat ito ang
tutugon sa kanyang pagkatuto tungo sa mas malawak na kaalaman sa kanyang kapaligiran,
sa bansa at marami pang iba na nahuhubog ng kanyang pagkatao.
Ang pagbasa ay isa sa mga kasanayang
pangwika na tulay ng mga estudyante upang mapahusay at malinang ang kasanayan
sa mabisang pag-unawa sa teksto. Ito ay may malaking kaugnayan sa iba pang
makrong kasanayang pakikinig, pagsasalita, pagsulat, at panonood ng isang tao
dahil nagkakaroon ng kakayahang makabuo ng mga kaisipan at makapagpahayag ng
damdamin at maayos na makipagkomunikasyon sa lahat ng disiplina o larangan. Ang
mga kaisipang nakukuha at nabubuo sa pamamagitan ng pagbasa, pakikinig,
pagsasalita at panonood ay maaaring sulatin upang maibahagi sa iba.
Batay sa maraming pananaliksik, ang
pagbasa ay isang kompleks na gawaing pangwika at pangkaisipan na kinapapalooban
ng higit pa sa interaksyon ng mambabasa at ng teksto. Ipinaliwanag ni
Johnston(1990) na ito’y isang kompleks o masalimuot na gawaing nangangailangan
ng konsyus at di-konsyus na paggamit ng mga estratehiya o kasanayan gaya ng
paglutas ng suliranin upang makabuo ng kahulugang ninanais ipahatid ng awtor.
Bilang isang kompleks na prosesong pangkaisipan, ang mambabasa ay aktibong
nagpaplano, nagdedesisyon at nag-uugnay ng mga kasanayan at estratehiyang
nakatutulong sa pag-unawa.
Ang pagbasa ay isa ring kognitibong
proseso ng pag-unawa sa mensaheng nakalimbag o ng anumang wikang nakasulat. May
kaugnayan ito sa pagsulat, sapagkat anomang binabasa natin ay maaaring isulat
at ang anomang naisusulat ng kamay ay nababasa ng mata na kakambal ng
pagpapakahulugan gayundin sa pagkatuto sapagkat ang kakayahan sa pagbasa ay
daan tungo sa kaalaman.
Ayon naman kay Baltazar(1977), ang
pagbasa ay kasangkapan sa pagkatuto ng mga kabatiran ukol sa iba’t ibang
larangan ng pamumuhay. Sa katunayan, 90% sa napag-aralan ng tao ay mula sa
kanyang karanasan sa pagbasa.
Ang isang estudyanteng palabasa ay mas
may malaking posibilidad na maipasa niya ang mga pagsusulit na ibibigay ng guro
kumpara sa isang hindi palabasa sapagkat sa kanyang pagbabasa mas nadaragdagan
ang kanyang kaalaman, lumalawak ang talasalitaan at mga karanasan. Mas nahahasa
ang kaisipan ng estudyanteng palabasa na umunawa nang mas malalalim na ideya,
mga argumentong pangangatwiran at nababatid ang implikasyon ng kanyang
binabasa. Sa ganitong paraan, masasabing ang pagbasa ay isang masalimuot na
proseso sapagkat nasasangkot dito ang maraming kasanayan.
Search Query
Kahulugan at Katuturan ng Pagsulat
Katuturan ng Pagsulat