Ang Daigdig Ni Helen Keller
Nina Florentino C. Torres at Gloria O. Garcia“Tayo mismo ang humuhulma sa ating daigdig.”
Winston S. ChurchillSa umaga, tingnan mo ang silahis ng ginintuang araw na animo’y durog-durog na diyamante sa silangan. Tingnan mo ang parang magnetong kislap nito na masasalamin sa naghahabulang alon sa dalampasigan. Pagmasdan mong mabuti. Tingnan mo rin ang nagliliparang ibong buong yabang na nagkakampay ng mga bagwis sa kalawakan. Mga ibong buong sayang humahalik sa mapuputing pisngi ng kalangitan, sa mga ulap. Tingnan mo ang mga dahon ng waterlily. Ang hamog na tumutulo sa kanyang talulot. Tingnan mo ang duguang kulay rosas. Ang puting orkidyas. Ang luntiang lumot. Tingnan mo ang kagandahan ng bahaghari. Asul. Dilaw. Pula. Kahel. Berde. Maganda. Marikit. Kaakit-akit.
Ngayon, isara mo ang iyong mga mata. Ipikit mo nang matagal. Ganyan ang daigdig ng isang bulag. Ganyan ang daigdig ni Helen Keller.
Sa gabi, pakinggan mo ang himig ng gitara, na sumasaliw sa malambing na kundiman ng dalagang Pilipinas. Pakinggan mo. Pagbutihin mo ang pakikinig sa bungisngis ng mga bata. Damhin mo ang langitngit ng kawayan sa lalawigan. Ang mga kuliglig sa punong akasya. Ang mga kokak ng palaka sa talahiban. Pakinggan mo ang iba’t ibang instrument sa musika. Ang byulin. Ang akordiyon. Ang piyano. Pakinggan mo rin ang naghahabulang patak ng ulan sa mga yero. Ang kiriring ng mga kalesa at nag-uunahang mga paa ng kabayo sa Ongpin.
Bigla mong idampi ang iyong mga palad sa magkabila mong tenga. Mahigpit. Matagal. Wala kang maririnig. Iyan ang daigdig ng isang bingi. Iyan ang daigdig ni Helen Keller.
Sino si Helen Keller? Si Hellen Keller ay ipinanganak noong Hunyo 27, 1880 sa isang maliit na cottage sa Alabama. Si Kapitan Arthur Keller, sundalo ng armi ang kanyang ama at si Kate Adams ng Massachusetts ang kanyang ina.
Ang tahanan ng mga Keller ay lalong naging masaya nang dumating sa buhay nila si Helen. Magandang sanggol si Helen. May asul na mga mata. Kulay rosas ang kanyang tenga. Ang lahat ay tuwang-tuwa kay Helen. Malikot na malikot ito. Siya ang sentro ng pag-ibig sa pamilya ng mga Keller.
Subalit nang siya ay 19 na buwan pa lamang ay dinapuan siya ng isang malubhang karamdaman. Nagkaroon siya ng matinding lagnat na lalong pinalubha ng malamig na temperature sa Amerika. Naging kaawa-awa ang kalagayan ni Helen. Akala ng lahat ay mamamatay na ang sanggol. Isang milagro ang pagbaba ng lagnat nito. Gumaling si Helen. Natuwa ang lahat. Pati ang mga kapitbahay ng mga Keller ay nagsaya. Maraming laruang de kolor ang tinanggap ng sanggol na si Helen. Si Helen Keller ay darling ng lahat. Nakatutuwa ang asul na mata nito. Magandang-maganda.
Makalipas ang ilang linggo, habang pinaliliguan ni Gng. Keller ang batang si Helen napansin nitong kahit haplusin nito ang ispongha ang mukha ng anak ay hindi nito ipinipikit ang mga mata. Nagulat ang ina. Napasigaw. Nagkagulo ang lahat. Dito nagsimula ang madilim na dagidig ni Helen Keller. Nabulag ang magagandang mga mata ni Helen. Nadamay pa ang kanyang kulay rosas na tenga na hindi makarinig ng anumang tunog. Bulag na si Helen ay bingi pa. Totoong naging isang sakripisyo ang mabuhay para kay Helen Keller.
Magmula noon, nakalimutan na ni Helen ang kulay ng bahaghari, ang berdeng bukirin, ang asul na langit. Nakalimutan na rin niyang magsalita sapagkat siya mismo ay hindi makarinig sa sariling tinig. Bulag. Bingi. Pipi. Iyan si Helen Keller.
Magmula noon, ang daigdig ni Helen Keller ay pinag-aralang mabuti ng kanyang mapagmahal na ina. Sa pamamagitan ng aksyon ay nauunawaan ni Gng. Keller ang anak. Ang oo nito ay tango. Ang hindi ay iling. Hinahatak nito ang palda ni Gng. Keller kung may iuutos. Itutulak ang ina kung paaalisin na. itinuturo nito ang bibig kung gutom na at lulupasay sa sahig kung galit siya. Naging bugnutin si Helen sa kanyang paglaki. Nangangagat. Lumulupasay. Nakikipag-away.
Ayaw ng mag-asawang Keller na habang panahon ay ganoon na lamang ang maging buhay ni Helen. Napagkasunduan nilang dalhin ang batang si Helen sa isang espesyalistang doktor. Walang nang remedy. Nalungkot ang mag-asawa. Subalit may inihatol ang doktor na nakapagpalubag sa kanilang damdamin. Puwede nang turuang bumasa ang mga bulag at bingi upang makapagsalita sa pamamagitan ng mga daliri at maintindihan ng lahat.
Mula sa Perkin’s Institute for the Blind sa Boston, dumating sa buhay ni Helen Keller ang guro ng mga bulag at bingi, si Bb. Annie Sullivan.
Sa una ay parang impyerno ang naging buhay ni Bb. Sullivan sa pakikitungo nito kay Helen, ang kanyang estudyante. Impyerno sapagkat si Helen ay isang abusadong bata.
Gustong-gusto matulungan ni Bb. Sullivan si Helen kung kaya’t hindi siya nawalan ng pag-asang mapapalapit din ito sa kanya. Sa unang pagkikita, minabuti ni Bb. Sullivan na handugan si Helen ng isang magandang manyika. Kinuha ng guro ang kamay ng limang taong gulang na si Helen at inispel sa palad ang salitang manyika sa Ingles. D-O-L-L. Doll. Inulit-ulit niya ang espeling sa palad ng bulag. Sa una ay nagustuhan ni Helen sa pag-aakalang isang uri ng laro iyon. Subalit nabuwisit na rin ito sa kauulit ng guro. Itinapon ng abusadong bata ang manyika. Lumupasay. Sumipa-sipa at nagngangalngal.
Akala ni Bb. Sullivan ay di siya tatagal. Subalit ang-isip-isip siya. Kailangan ang isang magandang pagkakataon upang mapalapit sa kanya si Helen. Kailangan.
Isang hindi inaasahang pangyayari ang naganap isang umagang napakainit ng araw. Iyon ang pinakahihintay ni Bb. Sullivan. Sa kalalakad nila sa paligid ng komunidad ay nauhaw si Helen. Dinala siya ng guro sa isang posong maiinuman. Habang umiinom si Helen ay patuloy na nababasa ng malamig na tubig ang labi at mga kamay ni Helen. Doon naisip ni Bb. Sullivan ang maraming maibubunga ng pagkakataon. Madaling isinulat ng guro sa palad ni Helen ang salitang tubig sa Ingles. W-A-T-E-R. Water. Tubig. Sa malaking uhaw ni Helen at sa naidulot na kasiyahan sa kanya ng tubig, naisip nitong mahalaga nga ang tubig sa buhay ng tao. Subalit paano ang tawat dito? Sa kasusulat ni Bb. Sullivan sa kanyang palad, napag-isip-isip niyang ang bagay na basa na nakatanggal sa kanyang uhaw ay yaong salitang isinusulat ni Bb. Sullivan. Water. Tubig. Natuwa siya. Maligayang-maligaya. Nagtatalon siya. Nagsasayaw. Nagpatakbo-takbo sa paligid. Ang lahat ay sinasalat-salat. Hinahawakan at para bang nagtatanong kung ano ang pangalan ng mga bagay-bagay sa paligid. Isusulat naman kaagad ni Bb. Sullivan sa palad ng bata ang pangalan ng bawat bagay na ituro ng bulag: ang damo, ang bulaklak, ang bato. Noon naunawaan ni Helen Keller na ang bawat bagay ay may pangalan. Noon din nagkaroon ng malaking pagnanais ang bata na makapagsalita sa pamamagitan ng pasenyas na lengguwahe. Sa araw-araw, nadaragdagan ang mga salitang natutuhan ni Helen. Isang daan. Dalawang daan. Tatlo. Apat. Maraming-marami. Subalit may isang salitang nahirapang unawain si Helen Keller. Ito ang salitang pag-ibig.
“Ano ba ang pag-ibig?” Tanong ni Helen sa wikang pasenyas. Kumuha siya ng isang bulaklak. Inamoy ito at pamuling nagtanong.
“Pag-ibig ba ang bango ng bulaklak?”
“Hindi,” senyas ni Bb. Sullivan.
“Para ba itong araw? Mainit?”
“Hindi rin.” Kinuha ng guro ang kanang kamay ng bata at ipinatong sa kaliwang dibdib ng bulag. “Nariyan ang pag-ibig,” sabi nito. “Ang pag-ibig ay kaligayahan.”
Magmula noon, natutuhan ni Helen ang ibig sabihin ng pag-ibig. Ang pagkakaintindi niya sa pag-ibig ay nanggaling sa puso, sa emosyon at ito ang nagpapaligaya sa lahat ng tao.
Naging pundasyon ni Helen ang pag-ibig at tibay ng loob upang magsikap na matuto at makapag-aral. Noon niya naisip na maaaring maging maligaya ang sinuman, kahit na bulag o bingi, o pipi kung may pag-ibig siya sa kapwa at may tiwala sa sarili.
Natutong papagsalitain ni Helen ang sampung daliri. Handa na siya sa malaki pang abenturang maaaring kaharapin ng isang bulag na katulad niya. Sa Boston na kinaroroonan ng Perkin’s Institute for the Blind, nagpunta sila Bb. Sullivan. Sa tren, kasakasama ni Helen ang kanyang manyikang si Nancy na saksi niya sa madilim na daigdig.
Ang lahat ay maaaring maabot kung ang bawat tao ay may malaking determinasyon sa sarili. Ito ang lagging pinapasok ni Bb. Sullivan sa isipan ni Helen. Determinasyon. Lakas ng loob. Pananalig sa sarili.
Gusto niyang makapagsalita. Sa paaralan ay pinagsikapan ni Heleng pagalawin ang kanyang dila. Mahirap gawin. Napakahirap. Subalit kailangan. Sapagkat may determinasyon sa sarili, nagityaga siya. Sa pamamagitan ng pagdampi ng mga palad sa leeg at labi ng guro, ginagad niya kung paano ang pagsasalita ni Bb. Sullivan. Matagal. Ubod ng tagal. Dumating ang pagkakataong nasabi ni Helen ang mga salitang, “It is warm.” Nagulat si Bb. Sullivan. Natuwa. Maligayang-maligaya ang maestro. Sa pagbabalik ni Helen at ni Bb. Sullivan sa Alabama ay buong sayang nagdiwang ang mag-asawang Keller nang malamang kahit pakaunti-untin ay marunong nang magsalita si Helen, ang kanilang anak.
Ang tibay ng loob ni Helen ay kasintigas ng Batong Gibraltar. Ang anumang pangarap niya sa buhay ay pinipilit niyang itindig. At kalakip ng mga pangarap niya ay ang determinasyong “,maaari niyang magawa a ng magagawa ng iba.” Kung iba ay nakapag-aral sa kolehiyo, bakit hindi siya puwede? Totoong isang napakataas na pangarap ang makapag-aral sa kolehiyo lalo pa nga at kung iisiping si Helen Keller ay isang bulag at bingi. Ngunit napakalaki ang tibay ng loob ni Helen. Nagpa-enrol siya sa kolehiyo. Sa kanyang pag-aaral ay kasa-kasama niya si Bb. Sullivan. Sa pamamagitan ng wikang pansenyas ni Bb. Sullivan, nakukuha ni Helen ang mga aralin sa Radcliffe College. Maraming natutuhan si Helen sa kanyang pag-aaral. Dalawampung taong gulang lamang si Helen noon ngunit ang tatag sa sarili ay hindi mahihigpitan ninuman, doblihin man ang gulang ng sinumang babae ay hindi makaaabot sa tatag ng damdamin ni Helen Keller. Ang lahat ay utang niya kay Bb. Sullivan, ang guro.
Ang kamatayan ay kusang dumarating sa tao. Napakasakit ang paghihiwalay subalit kailangang tanggapin. Namatay si Bb. Sullivan sa gulang na 50 taon. Naiwang luhaan si Helen Keller.
Sa buong buhay ni Helen, ang tanging inspirasyong nagbigay sa kanya ng kulay ay ang kanyang guro. Ngayong wala na ito, maaaring mawalan na rin ng kulay ang kanyang buhay. Subalit may pamanang naiwan sa kanya si Bb. Sullivan. Tibay ng loob. Determinasyon. Wagas na pag-ibig sa kapwa. Ang mga ito ang naging sandigan ni Helen Keller upang dakilain ang kaluluwa ng kanyang guro.
Magmula nang pumanaw si Bb. Sullivan, pinag-ibayo ni Helen Keller ang pagsisikap na aliwin ang mga kapus-palad na mga bulag, pipi, at bingi. Sumapi siya sa American Foundation for the Blind sa Amerika at naging aktibo sa Massachusetts’ Commission for the Blind. Sa mga base militar, inaaliw niya ang mga bulag na sundalo. Nakikihalakhak. Nakikikanta. Nakikipagsayaw.
Sa pamamagitan ng pagsulat, nakapaglimbag siya ng mga aklat na hinangaan ng buong daigdig, ng mga Amerikano, Pranses, Asyano at Pilipino. Sa aklat na ito buong linaw niyang isinulat ang kanyang damdamin, sentimyento, pag-ibig at tibay ng loob na hinangaan, pinuri at minahal ng milyon-milyong mamamayan ng daigdig.
Si Helen Keller ay nagsilbing pag-asa ng mga bulag. Ilaw ng mga nabubuhay sa daigdig ng kadiliman. Siya ang gabay ng mga taong nananangan, lakas ng loob, tibay ng damdamin.
Si Helen Keller ay isang modelong mamamayan ng daigdig. Siya ay bulag. Pipi. Bingi. Tayo ay biniyayaang makakita, makapagsalita, makarinig. Subalit si Helen Keller ay nagtataglay ng kadakilaang magmahal sa kapwa, sa mga kapus-palad.