Ang
sanhi ay isang ideya o pangyayari na maaaring humantong sa isang bunga.
Halimbawa, nakuha mo ang pinakamataas na grado sa pagsusulit dahil nag-aral
kang mabuti. Unang binanggit ang bunga at sumunod naman sanhi. Tandaan na hindi
lahat ng pagkakatao’y nauuna ang sanhi sa bunga. Isiping lagi ang ganito: Anong
ideya o pangyayari ang naunang naganap (sanhi)? Ano ang kinalabasan (bunga)?
Kung
dumarating ang malalaking baha, lahat ay napipinsala. Ang mga pananim ay
nasisira. Ang mga kalye ay lalong nasisira. Maraming bahay, kasama ang mga
kasangkapang nababad, ay baha ang nagiging sanhi ng pagkabulok at pagkasira.
Paralisado ang mga sasakyan, tanggapan, at mga eskuwelahan. Malungkot isipin at
sa palagay ko, dalawang uri lamang ng mamamayan ang natutuwa kapag may baha.
Ang mga estudyante pagkat walang pasok sa eskuwelahan, at ang mga nagtutulak ng
kotse at dyip na nasisiraan sa gitna ng baha.
Sa
komunikasyon, madalas tayong nagbibigay o naglalahad ng sanhi at bunga. Layunin
nitong ipakita na kaya naganap ang isang pangyayari ay may dahilang nauna pa
kaysa rito. Sa gawaing ito, kailangan nating pag-aralan at tingnang mabuti ang
isang pangyayari. Dito’y kailangan ang likas na pagkukuro at matalinong
paninindigan sa pagpapasya at pagpapakahulugan sa mga bagay na nakikita at
nababasa natin.
Mga
panandang ginagamit sa hulwarang sanhi at bunga: dahil sa, sapagkat, nang,
kasi, buhat, mangyari, palibhasa, kaya, resulta, sanhi, epekto, bunga nito,
tuloy, atbp.
Halimbawang Teksto
Walang
patumanggang pagputol ng kahoy sa mga bundok at kagubatan. Pagwawalang-bahala
ng pamahalaan sa iligal na pagkakahoy. Ang hindi pag-uukol ng atensyon sa
muling pagpapasibol at pagtatanim ng mga punungkahoy. Ang ating mga kabundukan
ay kalbo na. Nararanasan na natin ang bunga ng mga gawaing iyon. Ang
pagkakaroon ng tagtuyo’t kung katag-arawan at ang malalaking baha kung
tag-ulan.